History


Si San Guillermo ay buhat sa lipi ng mga Duke sa Aquitania at Konde ng Poitiers sa Pansiya. Palibhasa'y lumaki sa karangyaan at layaw, namayani sa kaniya ang mga likas na masasamang hilig.

Siya'y naging Duke at Konde rin ng mga nasasabing pook. Ang taas niya't lakas ay di pangkaraniwan. Higante ang katulad niya at ang kanyang kain ay kain ng walong tao. Nahilig siya sa babag. Dalang dala siya ng udyok ng laman, kaya't kaniyang ginabot ang asawa ng kanyang kapatid at kanyang kinapisan ng may tatlong taon. Siya'y bulkan kung magalit at may tigas na puso sa pagpapatawad sa mga gumawa sa kaniya ng masama.

Noong kalabanin ni Kardinal Peerleon ang tanyag na Papa na si Inocencio II, kinatigan niya ang Kardinal at inusig niya ang mga kakampi ng Papa. Pati ang mga Obispo sa kanyang lupain ay kanyang ipinatapon sa malayo at isinumpa niyang di niya tutulutan kailanman na sila'y makabalik.

Kahambal-hambal na totoo ang katayuan ng kaluluwa ni San Guillermo. Salamat na lamang at pinagmalasakitan ni San Bernardo na siya's ipatawag..... Siya's ipinalangin ni San Bernardo at pagkatapos nito ay dinampit nito; ang mahal na Ostiya ay iniharap kay San Guillermo at siya'y pinarangalan. Lumambot ang kanyang puso at tuoy na nagpatirapa siya sa paanan ni San Bernardo at nagsisi ng kanyang mga kasalanan.

Nag iba na si Guillermo. Nais na niyang magbalik-loob ng lubusan. Lumapit siya sa isang banal na lalaking nag-iisang namuhay sa isang malapit na pook. Ngunit siya's iwinaksi at itinaboy sa isang banal na matandang lalaki. Hindi siya nagalit at nagkawikaan. Buong kababaang-loob na kaniyang hinanap ang nasabing matanda. Ipinapayo nito na siya'y umuwi at pagkatapos ay magbalik sa kanila na suot ang kasuotang bakal na panlaban at nakasakay sa pinakamaganda niyang kabayo. Tinupad ito ni Guillermo. Noong siya makabalik, ganito ang sabi sa kaniya ng matanda. "Malaking totoo ang mga kakila-kilabot na apoy na walang katapusan sa impyerno. Ngunit ang Diyos ay nahabag sa iyo. Ngayo'y binigyan ka niya ng pagkakataon ikaw ay makapagbayad sa pamamagitan ng isang angkop na penitensiya. Pakinggan mo ang payo sa iyo. Unawain mo ang ayuno ay nakasusupil sa laman, ang panalangin ay nakalulunas at ang limos ay mabuti para sa lahat ng bagay. Kaya't umuwi ka, ipagbili mong lahat ang iyong mga ari-arian at ipamahagi mo sa mga dukha, isuot mo ang kasuotang bakal na ito at huwag mong huhubarin sa habang buhay mo at lumakad ka patungo sa Santo Papa at humingi ng tawad at hilingin mong alisin na sa iyo ang ekemuniyon sa ganitong paraan ay mapagbabayaran mo ang eskandalong ibinigay mo sa tao."

Nagtungo nga siya sa Santo Papa. Ngunit siya'y kaniyang itinakwil at itinaboy sa Patriarka ng Jerusalem na siya'y pinamahalaan ng Santo Papa tungkol sa kaniya. Palibhasa'y ang Patriarka ay anak ng naging utusan ni Guillermo, kaya'y inanyayahan siyang doon na tumira sa kaniya. Ngunit hindi siya pumayag, sapagkat nais niyang magpenintensiya. Gumawa siya ng isang tirahan sa yungib na malapit sa tirahan ng Patriarka. Doon siya tumira ng may siyam na taon na nagpapahirap sa sarili. Ang pagkain niya ay isang tinapay na maiitim, ang inumin ay kaunting tubig, ang damit niya'y kasuotang bakal at salisiyo, ang unan ay isang matigas na bato at hindi siya nagkukumot.

Naglalamay siya sa panalangin at tinatangisan niyang palagi ang kanyang kasalanan. Naranasan pa niya ang buhay na parang isang Anghel kaya't niloob ng Diyos ng paminsan-minsan dalawin siya ng mga Anghel upang siya'y aliwin. Dahil sa udyok ng kaniyang ng mga kamag-anakan at kaibigan na nangagsisunod sa kanya sa Jerusalem nanlamig ang kanyang paglilingkod sa Diyos. Umuwi na namang namuhay ng buhay Duke at nakihamok na naman sa kaniyang mga kaaway. Subalit binulag ng Poong Diyos. Nakapanalangin tuloy siya ng ganito; "Buksan mo po ang iyong mga mata O Panginoon, at tingnan mo ang aking kapighatian at buksan mo ang aking mga mata upang makita ang iyong kaaliwan." Nanumbalik sa kanya ang paningin at kasama nito, pati ang kaniyang sigla sa pagpapakabanal.

Bumalik siya sa Jerusalem. Muli na naman siyang nagpahirap sa sarili. Palibhasa'y sinundan na naman siya ng kanyang mga kamag-anak at kaibigan, nagtago na siya sa isang ilang na malapit doon at siya'y nagbuhay ermitanyo. Pagkatapos nito ay dumalaw sa katawan ni Santiago Apostol sa Capostela, EspaƱa at buhat doon siya'y nagtungo sa Italya at sa isang gubat na ang pangala'y Liballia, sa lupain ng Pisa, siya'y lumigpit sa isang kakila-kilabot na yungib. Doon siya sinamahan ng ilang lalaking may loob sa Diyos at sila'y nagtayo ng isang ampunan ng mga dukha. Hindi nagtagal at ang mga ito's nainis sa kaniya at siya'y pinakisamahan ng masama.

Lumapit siya sa bundok ng Pruno. Ang kaniyang kabanalan ay kumalat sa paligid-ligid, kaya't marami ang sumama sa kaniya at napaakay sa daan ng kabanalan. Hindi nalaunan at siya'y pinakisamahan din nila ng masama. Noong siya ay napakabanal na, nagpakita sa kanya ang mga demonyo sa anyong mga hayop na mababangis, tulad ng leon, tigre, oso, ahas, etc. na pawang nananakot sa kaniya. At noong hindi siya natitigatig ay kinaladkad siya at hindi iniwan ng halos patay. Sa ganito's nagpakita sa kaniya ang Mahal na Birhen na nagniningning na may kasamang Santa Birhen at siya'y inaliw at pinagaling nila.

Matapos makita ng demonyo na hindi siya matukso sa pamamagitan ng mga pasakit sa katawan, inudyukan ang mga relihiyosong mga kasama niya upang paratangan ng di totoo, siraan ng puri at pagsalitaan ng masama. Ngunit nagpatibay rin siya.

Bumalik siya sa Liballia. Ngunit doon ay inusig siya ng kaniyang mga kasama. Noong hindi niya malaman kung saan siya paroroon upang mamuhay ng payapa, nakarinig siya ng isang tinig buhat sa langit na nagsabi sa kaniya na siya'y magtungo sa isang bundok na ang pangalan ay Petricio, malapit sa bayan ng Castillon. Upang makaiwas sa parangal at papuri ng mga taong nakakikilala sa kaniya, lumapit sa isang labak na ang tawag ay "STABULUM RHODIS" na ngayo'y ang pamagat ay "MALAVALES" sa lupain ng Sena. Doon sa tulong ng isang dukhang tirahan ng kanyang tinitirahan buong buhay. Gayon na lamang kabanal ang kaniyang buhay na siyay iginalang at sinunod ng mga mababangis na hayop.

Noong mamalayan niyang nalalapit na ang kaniyang kamatayan ay ipinatawag niya ang pari sa Castillon at siya'y nangumpisal, nakinabang at nagpapahid ng Santo Oleo. Pagkatapos nito, lumipad ang kaluluwa niya sa Diyos noong ika-10 ng Pebrero ng taong 1156.

Ipinagawa siya agad ng kaniyang mga deboto ng isang simbahan sa Malavales, Sena, Italya at doon nila iningatan hanggang ngayon ang mahal niyang katawan.

Organizations

San Guillermo Parish Organizations

See More

Back to Top